-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang mag-ama sa pananambang sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Tatuan Mangelen Buisan,50 anyos,may asawa at ang kanyang anak na si Benjie Mangelen Buisan,20 anyos,mga residente ng Purok 6 Barangay Dungoan M’lang Cotabato.

Tukoy naman ang mga suspek na sina alyas Dats at alyas Tol.

Ayon kay M’lang Chief of Police Lieutenant Colonel Realan Mamon na pinagbabaril umano ang mag ama ng mga suspek gamit ang kalibre.45 na pistola habang sakay ng kanilang motorsiklo at papauwi na sana sa kanilang tirahan.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek lulan rin ng motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng M’lang.

Naisugod pa ang mga biktima sa pagamutan ngunit kapwa binawian ng buhay nang magtamo ng maraming tama ng bala sa katawan.

Alitan sa pamilya o rido ang sinusundang anggulo ng M’lang PNP sa pamamaslang sa mag-ama na patuloy nilang iniimbestigahan.