-- Advertisements --

VIGAN CITY – Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril sa mag-ama sa Barangay Nambaran, Sto. Domingo, Ilocos Sur na ikinamatay ng ama at sugatan naman ang anak nito.

Nakilala ang nasawing biktima na si Geronimo Verazon, 46-anyos samantalang ang sugatan naman ay ang anak nito na walong taon na si Mark Denver na kapuwa residente ng Barangay Nagbettedan, Sto. Domingo.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay Police Master Sergeant Benito Ponce Jr., chief investigator ng Sto. Domingo PNP, pa-kanlurang direksiyon umano ang mag-ama na nakasakay ng motorsiklo nang pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek.

Nagtamo si Geronimo ng walong tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito na siyang rason ng kaniyang agarang kamatayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, wala silang nalaman na krimen na nakasangkutan ng biktima nitong nakaraan maliban na lamang sa kinakaharap nitong reklamo hinggil sa pinaniniwalaang pambubugbig nito sa kaniyang asawa.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng pamamaril ang tatlong basyo ng caliber 45 na baril na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek na sa ngayon ay pinaghahanap pa ng mga otoridad.