-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Ino-obserbahan na ngayon sa pagamutan ang mag-ama na parehong nasugatan matapos matumba ang sinasakyan nilang garbage truck sa Taloy Sur, Tuba, Benguet.

Nakilala ang ama na si Lupito Pio Sato, 64-anyos, driver ng truck at anak nitong si Isaac Sato, 18-anyos, helper, parehong residente ng Pico, La Trinidad, Benguet.

Ayon kay PMaj. James Acod, hepe ng Tuba Municipal Police Station, pababa ang nasabing truck na may plakang RHS 763 nang mawalan ito ng preno.

Nagresulta ito sa pagbangga ng truck sa isa pang 10-wheeler truck bago natumba kung saan nabangga pa nito ang isang kotse na pag-aari ng BFAR-Cordillera.

Agad dinala sa pagamutan ang mag-ama kung saan nagtamo ang nakakatandang Sato ng head injury dahil sa lakas ng impact ng aksidente.

Patuloy naman ang pagpapaalala ng mga pulis sa mga motorista sa pag-iingat ng mga ito lalo na at nararanasan ang zero visibility sa mga kalsada sa Benguet at Baguio dahil sa kapal ng hamog at madulas na mga kalsada dahil sa patuloy na nararanasang malakas na pag-ulan.