NAGA CITY- Sugatan ang mag-ama matapos masabugan ng granada sa loob ng kwarto nito sa bayan ng Pili, Camarines Sur.
Kinilala ang mga biktima na sina Christian Almazan at ang 9-anyos na anak nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay LtCol. James Runatay, tagapagsalita ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), sinabi nitong nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad para malaman kung bakit may itinatagong rifle grande si Almazan sa loob ng bahay nito.
Ayon kay Runatay, sakaling mapatunayan na walang kaukulang dokumento si Almaza, pwede itong maharap sa kasong may kaugnayan sa Illegal possession of explosives.
Maaalala na mula sa inuman si Almasan at pagpasok nito sa kanyang silid, bigla na lamang narinig ang malakas na pagsabog.
Hanggang sa bumulaga na lamang sa mga kainuman nito ang sugatang katawan ng mag-ama na agad namang itinakbo sa ospital.
Samantala, narekober naman ng mga otoridad sa lugar ang isang live rifle grande na wala ng pin na pinaniniwalaang dahilan ng naturang pagsabog.