CENTRAL MINDANAO – Pinakita ng mag-amang Mayor Datu Otho Montawal at Vice-Mayor Datu Vicman Montawal na wala silang sasantuhin kamag-anak man, kapatid at kaibigan sa pagpapatupad ng DILG memorandum Circular 2019-121 o road clearing of illegal structure and constructions sa bayan ng Datu Montawal, Maguindanao.
Mismong si Mayor Otho at Vice-Mayor Vicman ang nanguna sa paggiba sa mga nakahambalang na mga tindahan, bahay, pader ng mga tahanan at paaralan kasama mga waiting shed na pag-aari ng mga barangay sa gilid ng national highway.
Katuwang ng LGU-Datu Montawal sa road clearing operation ang mga opisyal ng Barangay, militar, pulisya at DPWH.
“Nakadama ako ng sobrang awa sa mga naapektuhan sa road clearing operation ngunit wala tayong magawa direktiba ito ng DILG at kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte,” ani Montawal.
Dagdag ni Mayor Montawal, “kagaya ng war on drugs wala tayong sasantuhin, lahat ipapatupad at yong haharang sa kautusan ng Presidente dito sa bayan ng Datu Montawal siguradong may kalalagyan.”
Batay sa inilabas na Memorandum Circular ng DILG, nag-abiso ito sa paglilinis ng lahat ng mga pampublikong lansangan laban sa mga illegal vendors, iligal na istruktura at mga sasakyan na iligal na nakaparada.
Matatandaan na unang ni sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na 60-araw ang ibibigay nilang palugit sa mga alkalde upang tumalima sa kanyang kautusan, ngunit kalaunan ay pinaigsi ito at ginawang 45-araw na lamang.
Sa kautusan ni Presidente Rodrigo Duterte ang hindi sumunod na mga alkalde ay masususpinde o kaya sipain sa pwesto.
“Sa mga kababayan namin sa bayan ng Datu Montawal kami po ay lubos na humihingi ng paumanhin sa lahat po ng apektado sa road clearing natin sa national highway,” dagdag pa ni Datu Montawal municipal administrator Andrew Montawal Bangkulit.
Sa ngayon ay paiigtingin pa ng LGU-Datu Montawal ang road clearing operation sa national highway, sa mga kalye at labing isang mga barangay