-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Binigyan pa ng Department of Justice (DOJ) ang alkalde sa Masbate at ang amang bise alklade ng mas mahabang oras upang maghain ng counter-affidavit kaugnay ng mga reklamo laban dito na pag-aari umano ng mga armas na hindi lisensyado.

Sa pagsisimula ng preliminary investigation binigyan ng panel of prosecutors na pinangungunahan ni Assistant State Prosecutor Josie Christina Dugay sina Batuan Mayor Charmax Yuson at Vice Mayor Charlie Yuson III nang hanggang Abril 1 upang mag-file ng counter-affidavits.

Batay kasi sa nagreklamo, nakatakda itong magsumite ng supplemental evidence laban sa dalawang respondent sa Marso 7.

Ang reklamo na inihain noong Pebrero 14 ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Masbate Provincial Field Unit, ay nag-aakusa sa mga opisyal ng illegal possession of firearms and ammunition na paglabag sa Section 28, paragraph (a) ng Republic Act 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act.

Inihain ang reklamo matapos ang ginawang raid ng PNP at militar sa bahay ng alkalde at beach resort ng ama sa Batuan noong Pebrero 13 kung saan nadiskubre ang mga armas at mga bala.