-- Advertisements --

Hindi nagpakita sa preliminary investigation ang mag-amang Batuan, Masbate Mayor Charmax Jan Altajeros at Vice Mayor Charlie Deroma Yuson III na nasasangkot sa pag-iingat ng mga baril.

Bigo ring makapaghain ng kanilang kontra salaysay ang abogado ng mga respondent at hiniling nilang mabigyan pa sila ng sapat na panahon upang makapaghain ng kontra salaysay dahil wala pa rin silang hawak na formal complaint.

Humingi rin ng karagadagang panahon ang panig ng PNP sa pangunguna ni Chief Insp. Dave Mahilum upang makapaghain pa ng karadagang documentary evidence sa kanilang inihaing reklamo laban sa mag-amang mayor at vice mayor.
Itinakda naman ni Assistant State Prosecutor Cristina Dugay ang pagdinig sa Abril 1.

Nag-ugat ang kaso ng mag-amang Yuson sa inisyung search warrant ni Judge Virgilio Macaraig ng Manila City Regional Trial Court (RTC) Branch 37.

Nakuha sa bahay ni Mayor Yuson sa Brgy. Canvañez ang isang Bushmaster M16 rifle, isang fragmentation grenade at isang magazine.

Habang nakuha naman sa beachhouse ng nakatatandang Yuson ang isang baby armalite o M16 rifle, dalawang 12 gauge shotgun, isang cal .45 Colt pistol at isang hand grenade.