CEBU – Natabunan ang isang pamilya sa quarry site ng Barangay Paz, Poro, isla ng Camotes, probinsiya ng Cebu.
Kinilala ang mga biktima na sina Francisco Monte, 41-anyos; asawang si Gemmalyn Monte, 33; at anak nilang si Wilbert Monte, 8.
Isinalaysay ni Police Lt. Jose Ruel Nalzaro, acting chief of police ng Poro Police Station, na nangunguha ng limestone ang pamilya Monte sa nasabing quarry site upang ihalo sa hollow blocks.
Kaagad namang nakaresponde ang local disaster team ng nasabing isla at suwerteng na-rescue ang tatlong biktima.
Nabatid na una nang nagpalabas ng cease and desist order ang local government ng Poro matapos na may namatay na rin sa parehong quarry site.
Naniniwala ang pulisya na matagal nang gawain ng pamilya Monte ang pangunguha ng limestone dahil nagtatrabaho diumano sa isang pagawaan ng hollow blocks si Francisco na isa sa mga natabunan.