-- Advertisements --

DAVAO CITY – Hindi sukat akalain ng mga residente ng Purok 5, Busaon, lungsod ng Tagum ang sinapit ng mag-asawa at anak nito na parehong nalagutan ng buhay matapos madaanan ang isang naputol na live wire ng kuryente sa nasabing lugar.

Nakilala ang mga biktima na sina Orlando Gabucan at asawa nito na Antonina Sasil, kasama ang kanilang 14 anyos na anak.

Ayon sa mga nakasaksi, habang nakasakay sa motor ang mga biktima, bigla na lamang silang natumba at nawalan ng malay.

Nang nilapitan ang mga ito, nabatid na nakuryente ang mga biktima sa naputol na live wire ng kuryente na pagmamay-ari ng Northern Davao Electric Cooperative o NORDECO.

Sinabi rin ng mga residente sa lugar na maraming mga nakatiwangwang na mga wire ng kuryente sa kanilang lugar at matagal na umano nila itong inireklamo sa pamunuan ng Nordeco ngunit hindi umano ito inaksiyonan.

Sa kasalukuyan ay hindi pa nagbigay ng pahayag ang NORDECO matapos ang nasabing insidente.

Magsasagawa ngayon ng dagdag na imbestigasyon ang mga otoridad.