CAGAYAN DE ORO CITY – Sinampahan na ng kasong paglabag ng Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 ang mag-asawa na umano’y sangkot sa malawakang pagtutulak ng iligal na droga sa bayan ng Wao, Lanao del Sur.
Kasunod ito sa isinagawang buy-bust operation ng PNP Drug Enforcement Unit kasama ang Lanao del Sur Provincial Police Office laban sa suspected bigtime drug dealers na sina Busran Saripada Busran alyas Commander Manong, 64, at Monira Alipapa Ampatua, 46, kapwa residente ng Purok 2, Barangay West Kilikili, Wao.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lanao del Sur Police Provincial Director, PCol. Rex Derilo na mismong ang kanilang tauhan mula sa Wao Police Station ang naghain ng kasong kriminal laban sa naarestong mag-asawa.
Una nang nasabat mula sa mga suspek ang isang kilo ng suspected shabu na tinatayang mayroong street value na halos P7-milyon.