-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang mag-asawa at nakaligtas ang kanilang limang taong gulang na anak sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga biktima na sina Kuradtong Ambag alyas Turno at ang kanyang asawa na si Baimona Ambag, mga residente ng Barangay Kadis, Carmen, Cotabato.

Ayon kay Cotabato Police Provincial director Col. Henry Villar na sakay ang mga biktima sa isang motorsiklo papunta sana ng Barangay Pedtad, Kabacan ngunit pagsapit nila sa Brgy Tacupan sa bayan ng Carmen ay bigla itong dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Carmen.

Patay on the spot ang mag-asawa nang magtamo ng maraming tama ng bala sa kanilang katawan habang himalang nakaligtas ang kanilang anak.

Alitan sa pamilya o rido ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pamamaril sa mag-asawa na patuloy nilang iniimbestigahan.