-- Advertisements --

CEBU – Nanawagan ng tulong ang pamilya ng mag-asawang namatay matapos mabagsakan ng puno sa kanilang bahay sa Barangay Basak, Mandaue City bandang ala-1:00 ng madaling araw noong Miyerkules, Mayo 4.

Kinilala ang mga biktima na sina Rizalda Giducos, 45-anyos, at Benjie Giducos, 43.

Ayon kay Fire Officer 1 Riel Denura ng Mandaue City Fire Office, natutulog ang mag-asawa nang bumagsak ang lumang puno ng palma na nasa tabi lamang ng kanilang bahay.

Bahagya na aniyang nabuwal ang puno dahil sa malakas na hangin na dala ng super typhoon Odette noong Disyembre 2021 at dahil na rin sa pagbaha sa lugar na nagpalambot sa mga ugat ng palma na nauwi sa tuluyang pagbagsak nito.

Bukod sa bahay ng mag-asawa, isa pang bahay ang nasira dahil sa natumbang puno ngunit wala namang nasugatan.

Sa ngayon, pansamantalang nasa pangangalaga ng tiyahin ang dalawang anak ng nasawing mag-asawa.

Hinikayat naman ng mga otoridad ang mga residente na ireport sa barangay kung may mga punong kailangang putulin upang maiwasan ang parehong insidente.