CENTRAL MINDANAO – Alitan umano sa lupa ang natatanaw na motibo ng mga otoridad sa pamamaril sa mag-asawang senior citizen sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga nasawi na sina Giara Tuwa at Saptula Maton, mga residente ng Barangay Bulucaon, Pigcawayan, Cotabato.
Ayon kay Barangay Bulucaon brgy chairman Mark John Montales na sakay sa isang bangka ang mag-asawa patungo sana sa kanilang sakahan sa Sitio Dungguan, Brgy Bulucaon at hangganan ng Northern Kabuntalan, Maguindanao nang inabangan ng mga hindi kilalang suspek at pinagbabaril gamit ang M16 armalite rifles.
Agad namang tumakas ang mga suspek patungong Maguindanao na sakay rin ng motor banca.
Patay on the spot ang mag-asawa nang magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’tibang parte ng kanilang katawan.
Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ng mga biktima at ni Montales sa sinapit ng mag-asawa.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Pigcawayan PNP sa pamumuno ni Major Ivan Zamoraga sa pamamaril-patay sa mag-asawa.