-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patuloy pang inimbestigahan ng pulisya ang pamamaril-patay sa mag-asawang Hallasgo kahapon sa Purok 5-A, Brgy. Amparo nitong lungsod ng Butuan.

Nakilala ang mga biktimang sina Dina Enriquez-Hallasgo, 48-anyos at Sulficio Go Hallasgo, 57-anyos, parehong residente ng Purok-7, Brgy. Doongan nito ring lungsod.

Ayon kay PLt. Crispulo Alburo, tagapagsalita ng Butuan City Police Office, nagsadya sa nasabing lugar ang mag-asawa para sa hearing ng barangay kaugnay sa ipinaglalaban nilang lupa kungsaan hindi umano sumipot ang kanila sanang makakaharap sa hearing.

Lumabas sa kanilang imbestigasyon na papa-uwi na sana ang mga biktima nang lapitan ito ng hindi pa kilalang gunman at pinagbabaril ng iilang beses bago nilisan ang lugar.

Dead-on-the-spot ang biktimang babae habang dead-on-arrival naman sa Butuan Medical Center ang kanyang asawa.

Narekober naman sa crime scene ang walong basyo ng kalibre .45 na pistola.