BAGUIO CITY – Nahaharap sa apat na bilang ng kasong estafa ang mag-asawa sa Baguio City matapos umano nilang lokohin ang apat na negosyante at tinangay ang P11.24-milyong pera ng mga ito.
Nakilala ang mag-asawa na sina Rommel Esteban at Jonalyn Esteban, nasa ligal na edad at residente ng Paraan Street, Victoria Village, Quezon Hill, Baguio City.
Ayon sa mga biktima, nagpakilala ang mag-asawa na may-ari ng mga fishponds sa Binmaley, Pangasinan at naghahanap sila ng kasosyo sa kanilang negosyo para mas lumakas pa ito.
Nagpakilala din ang mga ito na sales agents ng isang grocery store sa Baguio at La Trinidad, Benguet kung saan sinabi ng mga ito na otorisado silang mag-deliver at magbenta o magpa-utang ng wholesale sa mga produkto ng nasabing grocery store.
Nagde-deliver din umano ang mag-asawa ng iba’t ibang isda at karne ng baboy.
Dahil sa iba’t ibang alok at pangako ng mag-asawa na mabilis na paglaki ng kita ay nahikayat ang mga biktima.
Nagawa pa umano ng mag-asawa na nagdeliver ng ibat-ibang produkto ng mga biktima hanggang sa bigla na lamang nawala at hindi na nagpakita ang mag-asawa.