-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Nasa kritikal na kondisyon sa Aklan Provincial Hospital ang mag-asawa matapos na pagsasaksakin ang mga ito ng kanilang anak na babae na umano’y may sakit sa pag-iisip bandang ala-1:30 kaninang madaling araw sa Barangay Cauayan, New Washington, Aklan.

Ang mag-live-in partner na sina Olivia Guttierez, isang mananahi at Ronald Conde, tricycle driver, kapwa tubong Mindoro at kasalukuyang naninirahan sa naturang lugar ay nagtamo ng mga saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Kusa namang sumuko ang suspek na si Vangie Babet, nasa legal na edad, at hiwalay sa asawa sa mga rumespondeng pulis.

Batay sa report, naganap ang insidente habang mahimbing na natutulog ang mag-asawa sa magkahiwalay na higaan sa loob ng kanilang bahay.

Basta na lamang umanong pinagsasaksak ng suspek ang kanyang ina na katabi nito sa pagtulog at inundayan din ng saksak ang step-father na natutulog sa labas ng kanilang kwarto.

Matapos ang pananaksak ay nakahingi pa ng saklolo ang mag-asawa sa kanilang mga kapitbahay na agad na isinugod sa naturang ospital ng mga rumespondeng miyembro ng MDRRMO.

Nabatid na dati nang ipinagamot sa isang mental hospital ang suspek.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang naturang insidente.