KALIBO, Aklan – Agad na inilipad sa isang ospital sa Maynila ang mag-asawang Chinese national makaraang aksidenteng mabundol ang sinasakyang jet ski ng isa pang jet ski na minamaneho naman ng isang Koreano sa karagatang sakop ng isla ng Boracay.
Batay sa ulat ng Malay Police Station, patuloy na ginagamot ngayon sa Makati Medical Center ang mag-asawang sina Wang Bao Long, 24, at Jun Yu Ke, 29, kapwa taga-China dahil sa tinamong bali, mga sugat at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sinasabing hinampas ng malaking alon ang jet ski na minamaneho ni Sehoon Oh, 18, isang Koreano dahilan para mawalan ng kontrol at aksidenteng mabundol ang kasalubong na jet ski ng mag-asawa.
Tumilapon umano si Wang Bao Long na nagtamo ng spinal cord injury.
Isinugod pa ang mga biktima sa isang clinic sa Boracay, subalit dahil sa malubhang sugat ay ini-refer sa isang ospital sa Maynila.
Samantala ang naarestong Koreano ay maaaring sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to physical injury and damage to property.