-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Emosyunal na nagpasalamat sa Bombo Radyo Koronadal ang mag-asawang Linawagan na nagmula pa sa bayan ng Carmen, North Cotabato matapos na matagpuan na sa wakas ang kanilang anak na anim na taon na nilang hinahanap.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa mag-asawang Juan at Jocelyn Linawagan, halos mawalan na sila ng pag-asa na makita ang kanilang 26-anyos na anak na si Mirasol Linawagan matapos maglayas noong Setyembre 27, 2013.

Ngunit, nabuhay umano ang kanilang pag-asa nang makita ang FB Post ng Bombo Radyo Koronadal noong Nobyembre 15, 2019 na nananawagan sa pamilya ni Mirasol na kasalukuyang naka-confine sa South Cotabato Provincial Hospital.

Lubos rin ang kanilang pag-aalala matapos malaman na buntis at nakunan ang kanilang anak at walang nag-aasikaso sa ospital.

Ang kapatid ni Mirason umano ang unang nakakita ng post ng Bombo Radyo noong nakaraang araw at ipinakita ito sa kanila kaya’t lumuwas sila sa Koronadal.

Napag-alaman na hindi nakakapagsalita si Mirasol kaya’t hirap din na kausapin ito sa hospital dahilan na natagalan din ito na nakaconfine doon.

Ang pamilya Linawagan ang isa rin sa mga biktima ng lindol sa North Cotabato.