Kapwa kinapitan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang alkalde at bise alkalde ng bayan ng San Mateo, Rizal.
Sa isang social media post, sinabi ni San Mateo Vice Mayor Paeng Diaz na siya at ang kanyang asawang si Mayor Tina Diaz ay sumailalim sa RT-PCR test noong Martes, at nagpositibo silang pareho sa deadly virus.
“Ngayon pong araw na ito natanggap po namin ang resulta na ikinalulungkot po naming ibalita sa inyo na kapwa po kami ni Mayor Tina ay nag positibo para sa Covid 19 virus,” saad ni Diaz.
“Medyo banayad po lamang ang aming mga sintomas sa panahong ito,” dagdag nito.
Ayon pa kay Diaz, parehas silang nakararanas ng mild symptoms ng sakit.
Tingin ng bise alkalde, posible raw na-expose sa virus ang kanyang asawa sa pakikisalamuha nito sa mga healthcare workers at frontliners.
Kamakailan din ay bumisita ang alkalde sa mga lugar na isinailalim sa lockdown para tingnan ang kalagayan ng mga residente.
“Hindi na rin nya maiwasan ang pagbisita sa mga lockdown areas upang masiguro na hindi napapabayaan ang ating mga mamayan na kasalukuyang dumaranas ng paghihirap mula sa pandemyang ito,” anang opisyal.
Hiniling din ng vice mayor sa kanilang mga kasamahan sa lokal na gobyerno na ipagpatuloy muna nila ang laban kontra sa pandemya.