KALIBO, Aklan – Inihatid na sa huling hantungan ang labi ng mag-asawang Jornas at Lucila Cabauatan sa Alaminos Public Cemetery, isang araw matapos matagpuang naagnas na bangkay sa kusina sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Cabayugan, Malinao, Aklan.
Bigo ang kanilang nag-iisang anak na lalaki na maka-uwi dahil sa ipinapatupad na travel restrictions sa National Capital Region (NCR).
Samantala, base sa lumabas na findings ng autopsy report ng Scene of the Crime Operative (SOCO), nabatid na ang biktimang si Lucila, 55, ay nagtamo ng tatlong saksak sa tiyan at tatlo sa ulo, isa sa kaliwa at dalawa sa kanan.
Nakita naman sa awtopsiya ng kanyang mister na si Jornas, 65, na nagtamo ng pinsala sa kaliwang mata at pisngi na hinihinalang hinataw ng matigas na bagay na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Nakitaan rin ito ng dalawang malalim na saksak sa ibabang bahagi ng kanyang tainga.
Hindi natagpuan sa crime scene ang ginamit na patalim na maaaring ginamit sa krimen.
Batay pa sa ginawang imbestigasyon, nakadapa sa kusina ang lalaki habang nakatihaya naman at walang suot na pang-ibaba ang kanyang misis.
Narekober rin sa kusina ng mga awtoridad ang short pants at underwear ng babae.
Lahat aniya ng mga gamit sa loob ng kanilang mga aparador ay hinalughog at nakakalat.
Pagnanakaw ang isa sa mga tinitingnan na anggulo ng mga awtoridad habang patuloy pang tinutukoy ang mga salarin sa krimen.