-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang pangunahing suspek sa pagpatay sa mag-asawang negosyante na natagpuang nakalibing sa bakanteng lote sa likod lamang ng tahanan ng kanilang pamangkin na itinuturo ring prime suspect sa krimen.

Kinilala ng Alesosan PNP ang mag-asawang biktima na sina Berting Pandita Tapadan, 54 anyos at asawa nito na si Aisa Tamay Tapadan, 58 anyos na residente ng Purok 7, New Panay, Aleosan, Cotabato.

Ayon sa anak ng mga biktima, naiulat na missing ang kanyang mga magulang noong Mayo 6, 2023 matapos na umalis para mangolekta sana ng pautang sa kanilang kamag-anak na si Amirudin Taparan sa Purok Asuzena, Brgy. Upper Minggading sa nabanggit na bayan.

Ngunit hindi na nakauwi ang mag-asawa kaya’t itinurong prime suspect si Amirudin na pamangkin din ng mga biktima.

Lumalim pa ang duda kay Amirudin dahil sa hindi nito pinapayagang pumasok ang sinuman sa kanilang area.

Kaya’t humingi ng tulong sa Barangay ang kaanak ng mga biktima upang mapasok ang bahay ng suspek at doon nakita ng mga rumesponding tanod ang hukay sa likurang bahagi kung saan narekober ang nakabaon na katawan ng mga biktima.

Sumuko naman kay Commander Sabre Pandita ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang suspek kaya’t agad na itinurn-over kay Pagalungan Mayor Datu Salik Mamasabulod at sa Pagalungan Municipal Police Station.

Si Mayor Mamasabulod na rin ang nag-turn-over ng suspek kay Aleosan Mayor Eduardo Cabaya at sa Aleosan Municipal Police Station sa pangunguna ng kanilang hepe na si Police Major Jenefer M. Amotan.

Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Eduardo Cabaya sa pagsuko ng suspek at sa tulong ng LGU Pagalungan at MILF.

Sa ngayon ay nakapiit na sa Aleosan Municipal Police Station ang suspect habang pinaghahanap pa ang mga kasamahan nito.

Galit sa mag-asawa at pera ang isa sa mga motibong tinitingnan ng mga otoridad na dahilan sa pagpaslang sa mga ito.