-- Advertisements --

Nasa mabuting kalagayan na ngayon ang mag-asawang Overseas Filipino Workers na nasaktan sa kasagsagan ng torrential rainstorm na nananalasa sa Hong Kong nitong nagdaang weekend.

Ayon sa Department of Migrant Workers, nakalabas na sa pagamutan ang babaeng asawa na nagtamo ng head injuries, habang naging matagumpay naman ang operasyon ng kaniyang lalaking kabiyak na nagtamo ng leg injury na kasalukuyan pa ring nananatili sa ngayon sa ospital para sumailalim sa observation mula sa naturang procedure.

Kung maaalala, una nang iniulat ng naturang ahensya na nagtamo ng matinding pinsala ang dalawa matapos madamay sa pagguho ng lupa ang resort sa Sai Kung, New Territories kung saan sila namamasukan.

Ayon sa DMW, sa ngayon ay patuloy ang ginagawang monitoring ng Migrant Workers Office at Overseas Welfare Administration Office sa kondisyon ng naturang mga biktima, habang nagpaabot na rin ito ng inisyal na financial assistance para sa kanila.

Samantala, sa ngayon ay wala pa rin namang naitatala ang DMW na mga OFW na naapektuhan ng naturang torrential rains sa bahagi ng South Sulawesi sa Indonesia.

Habang patuloy pa rin na nakikipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa Jakarta, at Philippine Consulate General-Man ado ang Migrant Workers Office sa Singapore para i-monitor ang kalagayan ng ating mga kababayan sa naturang lugar.

Matatandaan na una nang napaulat na mayroong 15 katao ang nasawi sa Indonesia nang dahil pa rin sa pinsalang idinulot ng malakas na mga pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa sa lugar, habang dose-dosenang pamilya na rin ang apektado ng naturang kalamidad.