BUTUAN CITY – Mariing kinondena ng mag-asawang local government officials ang paratang na nag-uugnay sa kanila sa nakumpiskang P400M halaga ng shabu sa daungan ng Liloan, Southern Leyte nitong nakalipas na linggo.
Ayon kay Alfredo ‘Nonoc’ Plaza, dating tagapagsalita ng Agusan del Sur provincial government, cyber-attack lamang umano ang pagpo-post ng nagngangalang John Arreza na nag-uugnay kina Carmen, Surigao del Sur Mayor Jane Plaza at Loreto, Agusan del Sur Vice Mayor Randolph Plaza na may kinalaman umano sa nasabing illegal drugs matapos ma-trace na mula sa bayan ng Carmen ang Mitsubishi Montero na syang kinargahan nito.
Napag-alamang nilisan ng driver ang sasakyan ngunit naiwan ang driver’s licence ni Benzar Mamalinta, residente sa E. Rodriguez Sr. Ave., sa Quezon City, ang bumili sa sasakyan nitong Nobyembre a-6 lamang matapos ibinenta ni Stephanie Rey Barretto mula sa Bajada, Buhangin, Davao City.
Ayon kay Nonoc Plaza, unang nabili ni Catherine Arienza, ang Human Resource-designate ng LGU-Carmen ang nasabing sasakyan ngunit nang ito’y ma-aksidente ay kanya itong isinoli kung kaya’t walang kinalaman ang Carmen-LGU kung anuman ang mangyayari nito.