-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinumpirma ng militar na napatay sa engkuwentro ang mag-asawang rebelde na high ranking official at medic sa Purok Amerika Barangay Sta. Maria, Trento, Agusan del Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan, kinilala ni Lt./Col Louie Dema-ala, commanding officer ng 67th Infantry (AGILA) Battalion Philippine Army, ang mga napatay na sina Danny Huit, alyas Bosyong, secretary ng humihinang Guerilla Front North ng Sub-Regional Command 1, Southern Mindanao Regional Committee, at ang asawa nitong si Naneth Catalino, alyas Bam-bam isang medic.

Sinabi ng opisyal na habang nagpagpapatrolya ang tropa ay may mga residenteng nagtimbre na may mga armadong tao sa lugar.

Kaagad itong pinuntahan at pagdating sa lugar, pinaputukan aniya ang tropa dahilan para gumanti ang mga ito na nagresulta nga sa pagkasawi ng mga rebelde.

Ayon sa AGILA commander, mas humina ang puwersa ng Guerilla Front North matapos ang sunod-sunod na sagupaan noong nakaraang taon at pag-surrender ng ibang miyembro nito.

Sa katunayan aniya, nasa apat na lang ang aktibong miyembro nito ngayon matapos mabawas ang napatay ang mag-asawang rebelde.

Samtantala, nakuha sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang caliber 45 At mga basyo ng bala sa iba’t ibang armas.