-- Advertisements --

DAVAO CITY – Kasalukuyan nang pinaghahanap ng mga otoridad ang isang 27 anyos na lalaking suspek sa pagpatay sa mag-asawa nitong araw ng Biyernes, Setyembre 9, sa Purok 2, Brgy. Napunggas, Asuncion, probinsya sa Davao del Norte.

Base sa impormasyong inilabas ng Asuncion Municipal Police Station, kinilala ang nakatakas na suspek na si Jojo Luardo, 27 anyos, tinuturong kaanak pala ng mga biktima.

Nakuha rin nila ang pagkakakilanlan ng mga napatay na mag-asawang sina Herminigildo Barbosa, 65 anyos, isang magsasaka; at si Antonia Barbosa, 68 anyos.

Batay sa imbestigasyon, napag-alamang ang nawawalang itak ang dahilan ng naging pagtatalo.

Pumunta ang mga biktima sa bahay ng suspek at doon pinaghahanap ang itak.

Nagkaroon agad ng mainit na komosyon sa pagitan ng dalawang panig nang biglang pinagtataga ng suspek ang mga biktima.

Nagtamo ang mga biktima ng mga sugat sa magkaibang parteng bahagi ng katawan pati sa leeg na naging dahilan ng kanilang agad na kamatayan.

Inilagak na ang kanilang mga bangkay sa Escriba Funeral Homes.