-- Advertisements --

CEBU CITY – Nasa ligtas na ang kalagayan ng mag-asawang senior citizen matapos umano itong hinampas ng isang magnanakaw sa Brgy. Linut-od, bayan ng Argao, probinsya ng Cebu.

Kinilala ang biktimang sina Margarito Sardido, 85, at asawa nitong si Romualda, 83, na kapwa nagtitinda ng mga gulay.

Ayon kay Patrolman Cirry Chavez ng Argao Police Station na sinubukan umanong pasukin ng hindi nakilalang magnanakaw ang pamamahay ng senior citizen ngunit inabutan ito ni Romualda.

Kaya naman kinuha ng lola ang kahoy na panggatong at hinampas ang magnanakaw.

Ngunit inagaw naman ng magnanakaw ang panggatong at gumanti kay Romualda.

Dagdag pa ni Chavez na sinubukang iligtas ni Margarito ang kanyang asawa ngunit hinampas rin ito ng naturang magnanakaw.

Tumakas naman ang suspek dala ang kita ng lola na nagkakahalagang P1,000.

Agad namang dinala sa pagamutan ang mag-asawa dahil sa natamo nitong tama sa ulo.

Patuloy na iniimbestigahan ngayon ang naturang insidente habang pinaghahanap ang magnanakaw.