-- Advertisements --

Kinumpirma ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagsasagawa na ngayon ng back-channeling efforts upang maplantsa ang mga isyu sa pagitan ng magkabilang panig na hahantong sa muling pagtuloy ng pormal na negosasyon.

Ito ay sa pag-asa na muling bumalik sa negotiating table ang pamahalaan at CPP-NPA-NDF.

Pahayag ni Lorenzana, lumipad na kahapon patungong Europa si peace adviser Jess Dureza upang makipag-usap sa mga negotiator ng mga komunista.

“Yesterday, Secretary Dureza left for Europe again and last nigh we allow the departure of Benito and Wilma Tiamzon and mr Ladlad to do some backchanelling,” wika ni Sec. Lorenzana.

“A lot of people are urging us that before we go to formal peacetalks, magbackchanneling muna so we will already have complete proposal from each side, acceptable by both sides so that when we go to the formal peace talks plantsado na,” dagdag pa nito.

Pinayagan na rin aniya ng pamahalaan sina NDF negotiators at dating NPA commanders Benito at Wilma Tiamzon na magtungo rin sa Europa para makaharap si Dureza.

Bukod sa mag-asawang Tiamzon kasama sa back channeling team ay si Vic Ladlad.

Kagabi umalis ang mag asawang Tiamzon at si Ladlad patungong Europa.

Nilinaw naman ni Lorenzana na bago matuloy ang naudlot na usapang pangkapayapaan sa NDF, nanindigan ang Pangulong Duterte na kailangang tumupad muna ang NDF sa tatlong kondisyon.

Una ay tumalima sa pagpapatupad ng bilateral ceasefire, ikalawa ay tigilan ang kanilang pangingikil at pangha-harass sa mga sibilyan at pangatlo ay pakawalan ang lahat ng kanilang mga bihag na pulis at sundalo.

“Now we in the military and the defense welcome this development because we also want to stop fighting in the hinterlands and in the rural areas so that we can bring development,” dagdag pa ni Lorenzana.