Wala umanong problema kay incoming senator at dating PNP chief Gen. Ronald “Bato” dela Rosa kung sakaling makasama niya ng personal sa Senado ang nakakulong na si Sen. Leila de Lima.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bato, inamin nito na baka magka-seatmate pa sila ni De Lima kung sakali at maganda aniya itong pangyayari.
Ito ay kung makakalaya ang mambabatas sa kanyang pagkakakulong ngayon sa PNP custodial center bago magpaso ang tatlong taon na natitira sa kanyang termino.
Kung maaalala kabilang ang PNP sa nagdiin noon kay De Lima sa isyu ng drug charges.
Si De Lima ay isa sa masidhing kritiko sa war on drugs ng PNP at administrasyon.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin daw makapaniwala ang dating PNP chief sa nakamit na tagumpay.
Ang “feeling” daw ni Bato ay isa pa siyang pulis at hindi pa “nagsi-sink in” na uupo na siya sa puwesto sa nalalapit na panahon bilang isang mambabatas.
Nabanggit na rin ng dating heneral na sasailalim muna siya sa seminar para pag-aralan ang kalakaran ng trabaho sa Senado.
Kung maaalala si Dela Rosa ay nakapuwesto ngayon sa panglima sa “Magic 12” sa nagpapatuloy na Comelec partial at official count sa senatorial race.