-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Kaagad na nailigtas ang mag-iina na kasamang nahulog sa bumigay na dike sa Sanchez Mira, Cagayan.

Ayon kay Jovie Biado ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), bahagyang nasugatan sa paa ang isa sa tatlong miyembro ng pamilya pero nalapatan naman ng lunas.

Naiahon din agad ang sasakyan na nakaparada sa gilid ng lansangan na nahulog din sa gumuhong dike.

Sinabi ni Biado na bumigay ang dike dahil sa walang tigil na pag-lan.

Samantala, umaabot na sa mahigit 22,000 families o 94,000 individuals sa 155 barangays sa lalawigan ang apektado ng malawakang pagbaha.

Kaugnay nito, patuloy ang pagpapatrolya ng mga otoridad sa mga binahang lugar at pagtulong sa pamimigay ng mga relief goods sa mga evacuee.

Dahil dito, umaaapela ng tulong sa pamahalaan si Governor Manuel Mamba dahil sa sunod-sunod na kalamidad na kanilang naranasan.

Muli ring idineklara ang state of calamity sa Cagayan na una nang idineklara sa pananalasa ng Bagyong Quiel.

Sa Apayao naman, isolated ang bayan ng Calanasan matapos ang landslide sa Claveria-Calanasan road.

Sinabi ni Jerwin Sebastian ng MDRRMO na aabutin ng limang araw bago malinis ang kalsada.

Tinatayang 825 families o 2,537 ang evacuees sa Apayao dahil sa pagbaha at pagguho ng lupa.