-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Isang ina at dalawang anak nito na babae na kapwa teen-ager ang umano’y sinapian ng masasamang espiritu sa loob ng kanilang tinitirhang bahay sa Sampaguita Road, Barangay Andagao, Kalibo, Aklan.

Base sa report, gabi ng Lunes Santo nang bigla na lamang nagsisigaw at nagwawala ang mga kabataan na may edad 13 at 16 dahilan upang mapatakbo sa kanila ang mga kaanak at ibang kapitbahay.

Maliban sa pagsisigaw at pagwawala, kung saan may bitbit pang patalim ang mga ito at pinagbabasag ang mga gamit na mahawakan, tila naninigas rin ang katawan ng mga ito kaya’t minabuting tumawag na ng pari na bihasa sa exorcism.

Dinala ang mga ito sa St. John The Baptist Cathedral at dinasalan ng exorcist na si Fr. Tudd Belandres, ang kora paroko ng naturang simbahan.

Ilang minuto lamang ang lumipas ay kumalma ang mga kabataan at nagkamalay.

Ngunit, kinagabihan ang kanilang 49-anyos na ina rin ang umano’y sinapian.

Biglang tumitirik umano ang kanyang mga mata at hindi makausap nang maayos.

Sinasabing dahil sa kaibigan diumano ng dalawang teen-ager na may third eye kung kaya’t lapitin ito ng iba’t-ibang elemento at nadadamay ang dalawa lalo na kapag walang kain at sapat na tulog.

Samantala, ayon kay Mrs. Gilda Villanueva, dahil sa pangyayari gusto na niyang pauwiin ang kapatid sa Bicol kasama ang dalawang anak dahil sa nararamdamang takot.

Payo ni Fr. Belandres na palaging magdasal dahil ang kadalasan aniyang sinasapian ay hindi palasimba at kulang ang pananampalataya sa Diyos.