LEGAZPI CITY — (Update) Mahigit P400,000 na halaga ng shabu ang nakumpiskang sa isinagawang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Bicol sa itinuturing na isang drug den sa Barangay San Roque, lungsod ng Legazpi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PDEA-Bicol Spokesperson Cotton Talento, target ng operasyon si Jhing Balaguer alyas Nanay, 52-anyos at anak nitong si Levis Balaguer.
Maliban sa mag-ina, nahuli rin sa bahay ni Jhing sina Nixon Aguilar, 47 at Dennis Nuñez, 36 na residente din ng nasabing barangay habang nakatakas naman ang isa pa.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang plastic bag na laman ang humigit kumulang 50 gramo ng shabu, isang maliit na sachet na may humigit kumulang 10 gramo ng shabu at sachet na may shabu residue.
Ayon kay Talento, ang nasabing droga ay nagkakkahalaga ng P408,000.
Dagdag pa ng tagapagsalita na maliban sa isasampang kasong pagbebenta ng droga, nilabag din ng mga suspek ang Section 6, 11, at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.