KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring brutal na pagpatay sa mag-ina sa loob mismo ng kanilang bahay sa Purok Crossing Laud, Barangay Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat.
Ito ang inihayag ni Police Lt. Col. Garry Flor Marfil, hepe ng Isulan Municipal Police Statuon sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ni Marfil ang mga nasawi na sina Noralyn Delfin Eribal, 40 anyos at ang kanyang 8 taong gulang na batang lalaki.
Ayon kay Marfil, malaki ang posibilidad na kakilala ng mga biktima ang suspek dahil walang palatandaan na pilit na pinasok ang bahay.
Una rito, humingi ng tulong sa kapulisan ang mga kapitbahay ng mga biktima matapos na nakita ang mga bakas ng dugo sa garahe ng mga ito.
Nang hindi makontak ang biktimang si Noralyn sinira na lamang at pilit na pinasok ng mga kapitbahay ang loob ng kanilang bahay hanggang sa natagpuan ang duguang si Noralayn na hubo’t hubad sa loob ng kwarto nito.
Habang sa kabilang kwarto naman nakita ang anak nitong nagtamo din ng maraming sugat sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Sa ngayon, pagnanakaw ang isa sa mga motibo na nakikita ng mga pulis sa krimen ngunit patuloy pa na pinag-aaralan ang ibang anggulo.
Isinailalim na rin sa forensic examination ang mga biktima upang malaman kung ilang saksak ang tinamo ng mga ito habang inaalam din kung ginahasa muna bago pinatay si Ginang Eribal.
Napag-alaman na dalawa lamang ang mga biktima sa loob ng bahay ng mga ito ng mangyari ang krimen dahil nasa duty umano ang sundalong asawa ng biktima.