KALIBO, Aklan — Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring brutal na pagpaslang sa mag-ina sa loob ng kanilang bahay dakong alas- 12:30 madaling araw ng Martes sa Brgy. Aguila, Sebaste, Antique.
Kinilala ang mga biktima na sina Adelfa Jordan, 72, at anak na si Roderick, 43, kapwa residente ng naturang lugar.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Lt. Emman Anacleto, OIC chief of police ng Sebaste Police Station na hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Isang hindi umano kilalang lalaki ang kumatok sa bahay ng mga biktima at nagtanong kung bahay ito ng pamilya Jordan.
Pinasinungalingan umano ito ni Nickson, isa sa mga anak ng biktimang si Adelfa, ngunit biglang nagpaputok ng baril ang isa sa mga suspek sabay na nagpakilalang pulis at nagpumilit na makapasok sa bahay.
Unang pinatay ang biktimang si Roderick na sinaksak sa tagiliran habang natutulog sa may kusina.
Sinasabing nagawa pa nitong manlaban sa mga suspek bago binawian ng buhay.
Dahil sa insidente, binitbit ni Nickson ang kanyang ina at dalawang pamangkin na pawang maliliit pa palabas ng bahay upang tumakas.
Subalit nadapa ang matanda at naabutan ng mga suspek.
Pinaluhod aniya ito at hinila ang kanyang buhok at pagkatapos ay binaril sa ulo.
Blangko umano ang pamilya Jordan sa motibo ng mga suspek dahil wala naman silang natatandaan na nakaaway ng kanilang pamilya.