LA UNION – Muling nagkita ang mag-ina na sina Phillip Kinney at Ma. Philea matapos ang ilang buwan na ‘di pagkikita mula noong ipatupad ang community quarantine sa buong Luzon bunsod ng COVID-19 pandemic.
Una rito, nagpasaklolo si Phillip ng Barangay Catbangen sa Bombo Radyo La Union para makapunta sa Gumaca, Quezon at matulungan ang ina na si Ma. Philea, na ilabas sa pagamutan dahil sa malaking hospital bill nito dahilan ng inindang sakit na pigsa na tumubo sa kanyang likuran.
Ang nasabing suliranin ni Kinney ay idinulog naman kay San Fernando City Mayor Alf Ortega, bagay na agad naman inaksyunan ng local chief executive.
Nakapunta ang binata sa Gumaca, Quezon at na-settle ang hospital bills ng ina nito, sa tulong ni Mayor Alf at ang kaibigan at dating classmate na si Congressman Mark Enverga ng Quezon Province.
Base sa ipinadalang mensahe ni Kinney sa Bombo Radyo, noong Sabado ay bumiyahe na silang mag-ina at 12 oras ang biyahe mula sa Quezon Province hanggang sa lungsod ng San Fernando.