BACOLOD CITY – Patay ang mag-ina at tatlong iba pa ang sugatan makaraang madaganan ng truck na may kargang tubo ang isang bahay sa Barangay Antipolo, Pontevedra, Negros Occidental kaninang madaling-araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lt. Roel Peniero, deputy chief ng Pontevedra Municipal Police Station, mula ang truck sa east direction at papuntang west direction nang mabangga nito ang railings ng daan, dakong ala-1:30 nang madaling-araw.
Dumiretso ang truck sa bahay ng mga Cordero sa kabilang bahagi ng daan at doon na ito natumba.
Dahil sa bigat ng tubo na karga ng truck, napatag ang semi-concrete na bahay kung saan natutulog ang mag-ina at sila ay natabunan.
Dahil sa mga sugat na natamo, binawian ng buhay ang 58-anyos na si Ermie Cordero at ang 30-anyos na anak na si JR Cordero.
Maswerte namang nakaligtas ang 12-anyos na si Leona Cordero na nagtamo lang ng menor na sugat, habang nagkataon namang wala sa bahay ang amang Cordero.
Dinala rin sa pagamutan ang driver ng truck na si Henry Salgado, 46-anyos, at residente ng Barangay Bi-ao, Binalbagan dahil sa mga sugat na tinamo nito.
Minor injuries naman ang tinamo ng walong taong gulang na batang lalaki ni Salgado na kasama nito sa truck na hahatid sana ng tubo sa central sa lungsod ng La Carlota bago mangyari ang aksidente.