LEGAZPI CITY – Karumal-dumal ang sinapit ng mag-ina sa Brgy. Tumalaytay, Castilla, Sorsogon matapos na sugurin sa sariling bahay at walang habas na pagsasaksakin ng suspek na kapitbahay.
Duguan, basag ang panga, may gilit sa leeg at hita habang walang saplot si Rose Ann, 23, nang matagpuan.
May tama rin ng saksak sa katawan ang anim na taong gulang na anak nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Maj. Marmay Fartingca, hepe ng Castilla PNP, mismong ang ina ng live-in partner ng biktima ang tumawag sa mga otoridad nang matuklasan ang insidente.
Nasa laot naman at nangingisda ang live-in partner ng biktima nang mangyari ang krimen.
Milagro namang maituturing na walang tinamong sugat ang isang taong gulang na anak ng biktima.
Ayon pa kay Fartingca, pahirapan ang pag-aresto sa suspek na namundok pa sana para magtago subalit nang inakalang wala na ang mga otoridad saka bumaba at dito na rin naaresto.
Inamin naman umano ng suspek ang nagawang krimen subalit nang ibabiyahe na patungo sa himpilan ng pulis, nagtangka umano itong mang-agaw nang baril dahilan upang paputukan ng mga otoridad.
Dinala ang suspek sa ospital subalit binawian din ng buhay.
Samantala, sinasabing ang alitan ng suspek at live-in partner ng biktima ang motibo sa krimen habang nasa ilalim rin ito ng impluwensya ng alak nang mangyari ang insidente.