-- Advertisements --

ROXAS CITY – Patay ang mag-ina matapos tamaan ng kidlat sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Agcagay, Brgy. Bunga, Mambusao, Capiz.

Kinilala ang mga biktima na sina Rochelle Ledesma, 35-anyos at anim na taong gulang na batang lalaki at residente ng naturang lugar.

Batay sa inisyal na imbestigasyon na habang umuulan ng malakas na may kasamang kulog at kidlat sa kanilang lugar ay tumayo pa ang biktima at pumunta sa banyo.

Matapos nito ay bumalik ulit sa higaan si Rochelle kung saan magkatabi sila ng kanyang anak.

Ngunit laking gulat na lamang nila nang bigla na lamang kumidlat ng malakas at pumutok ang outlet ng kanilang kuryente dahilan na nag brown-out.

Agad naman na kumuha ng flashlight ang kapatid nito na si Richie at nang pinailawan niya ang kapatid, laking gulat na lamang nito nang makita na sunog na ang ilang bahagi ng katawan ng mga biktima, dumudugo ang ilong, tenga at wala ng buhay.

Mabilis naman na tumawag si Richie ng tulong kung saan dinala pa nila sa ospital ang mga biktima ngunit dineklarang dead on arrival.

Sa ngayon ay nasa punerarya na ang bangkay ng mga biktima.