-- Advertisements --

NAGA CITY – Muling nagbabala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Bicol laban sa lason na dala ng mga nakamamatay na box jellyfish o dikya.

dikya CamSur

Ito’y kasunod ng pagkamatay ng pitong taong gulang na batang babae sa Barangay Sinuknipan 2, Del Gallego, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng BFAR-Bicol, sinabi nito na naliligo sa dagat ang biktima kasama ang pinsan at ang tiyuhin nito nang atakihin umano ng dikya.

Dahil dito, nagtamo ng mga sugat ang menor de edad gayundin ang kanyang tiyuhin at pinsan.

Ngunit sa kasamaang palad, hindi kinaya ng bata ang epekto ng salabay na nagresulta sa pagkamatay nito.

Kung maalala, halos isang buwan pa lamang ang nakararaan nang bawian din ng buhay ang isang limang taong gulang na batang babae dahil din sa box jelly fish sa North Coastal Lagonoy sa nasabing lalawigan.

Sa ngayon, panawagan na lamang ni Enolva sa mga beach goers na magsuot ng rash guard o jeggings kung maliligo sa dagat para maiwasang maulit pa ang insidente.