DAGUPAN CITY – Ibinabala ng isang biologist ang masamang dulot o epekto ng “mosquito fish” o itar na isinusulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Kasunod na rin ito ng paniniwalang sagot aniya ang naturang isda sa tumataas na kaso ng dengue sa bansa.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Romeo Babao, kilalang biologist at isa ring Doctor Of Medicine, sinabi nito na bagama’t maganda ang layunin ng mosquito fish dahil sa kumakain ito ng larva ng lamok, hindi pa rin maipagkakaila na may negatibo itong epekto hindi man sa tao kundi sa katubigan o ating karagatan.
Paliwanag ni Babao, ang mosquito fish na may generic name na Gambusia ay uri ng invasive species. Ibig sabihin, ito ang mga foriegn o exotic na mga hayop na aksidenteng napadpad sa teritoryong sakop ng ating bansa.
Aniya, karaniwan itong nakikita sa Mississippi River, Indiana, at City of Illinois sa Chicago.
Ngayong napadpad ito sa Pilipinas, nangangamba si Babao sa posibleng masamang dulot o epekto nito sa ating habitat.
Paliwanag kasi niya, bukod sa mga larva ng lamok, kinakain din ng mosquito fish ang itlog ng ilang mga isda, dahilan upang masira ang pagpaparami o produksyon ng mga ito.
Dagdag pa ni Babao, kung magpapatuloy ang ganitong senaryo, hindi malayong makaranas tayo ng pagkalugi sa ekonomiya sa mga lokal na komunidad at industriya.
Taong 2013 nang ipinakilala ang mosquito fish bilang biological control agent o natural na pamamaraan para puksain ang itlog ng lamok.
Ito ang ipinapakilala ng BFAR na panlaban umano sa kiti-kiti o mosquito larvae.