-- Advertisements --

VIGAN CITY – Patay ang mag-live in partner na sangkot sa 5-6 lending scheme sa Ilocos Sur matapos na pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa arko ng Barangay Cabaritan, Sto. Domingo kagabi.

Nakilala ang mga biktima na sina William Ripotula Jr., taga-Paduchico, Sto. Domingo; at si Lilian Umani, taga- Maas-asin, Magsingal, Ilocos Sur.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakasakay sa tricycle ang mga biktima nang pagbabarilin sila ng mga hindi pa nakikilalang suspek.

Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na dahilan ng kanilang agarang kamatayan kahit pa naitakbo sila sa ospital sa bayan ng Magsingal.

Nang tingnan ng mga otoridad at nurse ang mga gamit ng biktima, nakuha sa mga ito ang cash money na nagkakahalaga ng PHP 117, 873 na pinaniniwalaang nasingil ng mga ito sa kanilang pautang.