-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nailigtas na ang mag-lolong mangingisda matapos ang apat na araw na pananatili sa dagat matapos masiraan ng bangka sa kanilang pangingisda.

Ang mag-lolo ay nakilalang sina Armando Mostales, 63 taong gulang at si Melvin Halagao, 16 taong gulang na parehong residente ng Brgy. Apatot, San Esteban, Ilocos Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Mostales, June 29 ng madaling araw noong pumalaot sila ng kaniyang apo ngunit noong nakakuha na sila ng isda at uuwi na sana ay bigla na lamang umanong nasira ang makina ng bangka na sanhi ng hindi nila pagkabalik sa tamang oras.

Aniya, 33 miles ang layo nila mula sa lupa at upang hindi na makalayo ang bangka ay itinali nito sa isang floater at doon na sila inabot ng apat na araw at tatlong gabi.

Ibinahagi nito ang survival journey nila ng kaniyang apo na aniya, hilaw na ang kinakaing isda at umi-inom na sila ng tubig dagat upang maibsan ang gutom at uhaw.

Pagkalipas ng ilang araw ay maswerteng pumalaot ang mga kasamahan nilang mangingisda na siyang nag-rescue sa kanila kung gaya’t nakauwi na sila sa kanilang tahanan.