Muli umanong ika-capacitate ni contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga local government units upang mas mapaghusay pa nito ang kanilang mga isinasagawang contact tracing.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Magalong na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of the Interior and Local Government pati na rin sa World Health Organization para rito.
“Magkakaroon tayo ulit ng recapacitating ng ating mga LGUs. Ngayon kino-consolidate na ng ating DILG ang listahan ng local government na kailangan ng tulong,” wika ni Magalong.
Binigyang-diin ni Magalong na kasama na rin sa mga manual na ibinibigay sa mga LGUs ang guidelines sa contact tracing para sa second at third generation contacts ng mga COVID-19 cases.
Nakikipagtulungan na rin aniya sila sa WHO para sa bagong mga panuntunan.
Bago ito, idinaing ni Magalong ang mababang efficiency ng national contact tracing ratio kung saan may isang contact tracer para sa pitong natukoy na contacts ng COVID-19 case.
Ito aniya ay malayo sa ideal ratio sa urban setting na 1:30 hanggang 37, habang sa rural area naman ay 1:25 hanggang 30.
Paglalahad pa ni Magalong, ang mababang contract tracing efficiency ratio ay posibleng dahil sa kakulangan ng supervision, mga isyu sa data collection system, at overwhelmed na mga contact tracers.