BAGUIO CITY – Naging emosyonal at hindi naiwasang maiyak ni dating PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong habang isinasagawa ang ecumenical prayer rally para sa kaligtasan niya at ng kanyang pamilya.
Kasunod pa rin ito ng mga banta sa buhay na kanyang natatanggap dahil sa mga naging expose niya sa Senado ukol sa mga “ninja cops” at iba pang kurapsyon sa pambansang pulisya.
Inorganisa ng isang religious sector ang nasabing prayer rally na isinagawa nitong Linggo sa Malcolm Square sa Baguio City.
Sa kalagitnaan ng prayer rally, lumuhod si Mayor Magalong sa harap ng mga kandilang may sindi at tahimik itong nanalangin ng ilang minuto at sa kanyang pagtayo ay doon na ito naluha.
Sa talumpati ng alkalde, inamin niyang nabigla siya dahil ang inakala niya ay simple at maikli lamang ang isasagawang prayer rally ngunit hindi niya inasahang magiging solemn ang prayer rally.
Naramdaman aniya ang mainit na suporta ng mga mamamayan ng Baguio sa kanya at sa kanyang pamilya.
Aniya, dahil sa nasabing prayer rally ay nabigyan ito ng karagdagang inspirasyon para ituloy ang kanyang mga nasimulan.
Humingi din ito ng paumanhin sa mga mamamayan ng Baguio dahil hindi niya natutukan ang lungsod sa panahong naging resource person siya sa Senado.
Dinagdag pa ni Mayor Magalong na nakakatanggap din siya ng suporta hindi lang sa mga mamamayan kundi pati na rin sa mga ibat-ibang senior officers ng pambansang pulisya na nagbibigay sa kanya ng intel reports ukol sa mga anomalya sa pambansang pulisya.
Ipinasasalamat din nito ang biglaang paghinto ng nagpapadala ng banta sa kanyang buhay, partikular sa pamamagitan ng tawag at text messages.
Sa ngayon, sinabi niya na patuloy ang pag-imbestiga ng pulisya sa mga nagpadala ng banta sa kanyang buhay lalo na sa impormasyong kanyang natanggap na may isang hitman na nakontak para puntiryahin siya.