Nanawagan si contact tracing czar at Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa publiko na maging listo laban sa bago at mas nakahahawang variant ng COVID-19 na kumakalat na sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Ayon kay Magalong, wala umanong katiyakan na hindi makakapasok sa Pilipinas ang bagong variant ng coronavirus sa kabila ng pagpapatupad ng mga travel restrictions.
Sakali namang makapasok na ang naturang variant sa bansa, sinabi ni Magalong na hindi pa rin magbabago ang proseso sa isinasagawa nilang contact tracing.
Kamakailan nang sabihin ng Department of Health na hindi pa nade-detect ang bagong coronavirus variant sa bansa.
Ito raw ay batay sa resulta ng gene sequencing mula sa mahigit 300 samples mula sa mga COVID-19 positive na mga biyahero mula United Kingdom at iba pang mga bansa na nakapagtala na ng kaso ng bagong variant.