Suportado ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang posibleng paghahain ng mga kaso laban sa nagbitiw na si PNP chief Oscar Albayalde ukol sa umano’y papel nito sa maanomalyang drug operation sa Pampanga noong 2013.
“Ako po ay lubos na sumusuporta sa kanilang findings dahil halata naman talaga ho, makikita nyo naman talaga na malakas, kahit circumstantial lang, ay malakas ang kaso laban sa kanya,” wika ni Magalong.
Ayon kay Magalong, dapat na panagutin si Albayalde dahil sa umano’y pagtatangka nitong manghimasok at pagprotekta raw sa mga dating tauhan na dawit sa drug recycling noong ito’y hepe ng Pampanga PNP.
Posibleng makasuhan ng paglabag sa Section 3 (a) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2001 si Albayalde.
Samantala, nanawagan naman si Magalong sa mga pulis na sabit sa isyu na makipagtulungan na lamang sa mga otoridad.
“Alam nyo itong pagkaalis ni Gen. Albayalde sa PNP sana magbigay linaw sa mga tao ni [Police Major Rodney] Baloyo na kanya kanya na kayo. Wala nang ibang tutulong sa inyo kundi kayo lang, magsabi lang kayo ng katotohanan,” ani Magalong.