Itinakda na ang pinakakaabangang pagtutuos nina bantamweight world champions Nonito “The Filipino Flash” Donaire at undefeated Japanese star Naoya Inoue sa finals ng World Boxing Super Series Bantamweight Tournament.
Ang showdown ng dalawa ay gagawin sa November 7 upang malaman kung sino ang mag-uuwi sa Muhammad Ali Trophy kung saan ang venue ay magaganap sa Saitama Super Arena sa Saitama, Japan.
Si Inoue (18-0, 16 KOs) na binansagang “The Monster” ay kinikilala bilang isa sa top pound-for-pound fighters sa buong mndo.
Para kay Inoue, isang legend ang kanyang haharapin pero gagawin daw niya ang lahat para masungkit ang prestihiyosong Ali Trophy.
Nahaharap sa malaking pagsubok ang Japanese superstar dahil ang “The Filipino Flash” ay dati nang naging kampeon sa apat na magkakaibang weight classes.
Para kay Donaire (40-5, 26 KOs), ilang mga world champions na ang kanyang nakalaban at tutungo siya ng Japan na handang-handa.
Aminado ang Fil-Am champ sa angking galing ng karibal pero meron daw siyang nasilip na kahinaan at ito ang kanyang sasamantalahin.
“A fight against Inoue is a fight that needs to be done to determine the best in the division,” unang naging pahayag ni Donaire.
Ang 26-anyos na si Inoue ay ang kasalukuyang may hawak ng WBA (Regular) at IBF Bantamweight World Championships.
Una rito, nangailangan lamang siya ng dalawang rounds para dispatsahin si former IBF titleholder Emmanuel Rodriguez sa kanilang WBSS Bantamweight Tournament semifinal sa Glasgow, Scotland.