-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nakitaan ng hindi updated na protocol ang Magat Dam sa isinasagawang joint investigation ng Kamara at ng Special Committee on the North Luzon Growth Quadrangle.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Congressman Antonio Albano ng 1st district ng Isabela at miyembro ng Special Committee on the North Luzon Growth Quadrangle na sa isinasagawang imbestigasyon ay nalaman nilang hindi updated ang protocols ng Magat Dam.

Hindi aniya ma-calculate ng pamunuan ng dam kung kailan tataas ang tubig sa dam dahil ang sakop lamang ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ay limang ektarya kung saan lamang makikita ang dam.

Bukod dito ay wala ring water rainfall prediction ang Magat Dam sa 20 na tributaries.

Ayon kay Cong. Albano, dapat palawakin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang sakop ng Magat Dam para malaman nila ang mga tributaries na makakapag-contribute sa pagtaas ng level ng tubig sa dam.

Samantala, sinabi ni Congressman Albano na batay sa isinagawang emergency meeting kabilang sina kalihim Roy Cimatu ng DENR at kalihim Mark Villar ng DPWH ay napag-usapan na magkakaroon ng desiltation process sa ilog Cagayan para matanggal ang mga bara ng ilog.

Kaugnay nito ay gusto niyang gumawa ng panukalang batas na katulad ng Cagayan River Basin Rehabilation Project para hindi lamang ang ilog Cagayan ang isasailalim sa dredging.

Sinabi ng mambabatas na kailangan na talagang magsagawa ng dredging sa mga ilog sa Cagayan at Isabela bukod pa sa pagkakaroon ng flood control project.

Nais din ni Congressman Albano na dapat magkaroon pa ng mga dam para doon maipon ang tubig baha at makatulong sa mga magsasaka at sa pangangailangan ng kuryente.