TUGUEGARAO CITY-Patuloy ang monitoring ng NIA-MARIIS sa level ng tubig sa Magat dam bagamat wala pang direktang epekto ang binabantayang bagyo na tinawag na ‘Karding”.
Sinabi ni Engr. Guileo Michael Dimoloy, department manager ng NIA-MARIIS na ang water level ngayon ng dam ay 187.6 meters aboce sea level at spilling level nito ay 190 meters.
Ayon kay Dimoloy, na bilang paghahanda sa posibleng pagtaas pa ng water level ng dam dahil sa malaking inflow o mahigit 686 cubic meter per second ay hiniling na nila sa PAGASA na payagan silang magpakawala ng tubig bukas.
Gayonman, nilinaw ni Dimoloy na ang layunin nito ay upang hindi na paabutin sa spilling level ang dam sa halip ay unti-unti itong babawasan upang kung sakaling magkaroon ng malalakas na pag-ulan na dala ng bagyo ay makakayang saluhin ito ng dam.
Sinabi ni Dimoloy na sa ngayon ay wala pa namang mga pag-ulan sa watershed area sa palibot ng dam.