-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Lumagpas na sa critical level na 193 meters o nasa 193.37 meters ang lebel ng tubig ngayon sa Magat dam.

Kaugnay nito, sinabi ni Engr. Gileu Michael Dimoloy, department manager ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) na tinaasan nila sa kabuuang 24 meters mula sa dating 16 meters ang nakabukas na pitong gate simula kaninang alas-5:00 ng hapon kasunod ng mga pag-ulan na dala ng bagyong Paeng sa mga watershed area.

Sinabi ni Dimoloy na aabutin ng 16 na oras o bukas pa makakarating ang tubig sa Cagayan River sa bahagi ng Buntun, Tuguegarao City.

Matapos ang muling pagdaragdag ng pinapakawalang tubig kaninang alas singko ng hapon, sinabi ni Dimoloy na bawal na silang magdaragdag ngayong gabi subalit maaari naman itong bawasan kung bumaba ang inflow o pumapasok na tubig sa reservoir.

Matatandaan na Mula kahapon October 29 ay binuksan ang dalawang spillway gate sa Magat dam habang mula alas siyete ng umaga kanina October 30 ay unti-unting binuksan ang lima pang nalalabing radial gate sa bawat 30 minutong pagitan hanggang sumapit ang alas-11:30 ng umaga na may taas na tig dalawang metro.

Nilinaw ni Dimoloy na inabisuhan na ng NIA-MARIIS ang mga lokal na pamahalaan at maging ang Office of Civil Defense sa Cagayan Valley region kaugnay ng pagpakakawala ng tubig.

Sa datos naman CDRRMO Tuguegarao City, umabot na sa critical level na 11 meters ang antas ng Cagayan River.

Nagpapatupad na ng forced evacuation ang pamahalaang lungsod sa mga residente sa mga bahaing lugar.

Sa datos kaninang ala una ng hapon, nasa 409 pamilya na kinabibilangan ng 1,569 indibidwal mula sa 10 barangay na nakararanas ng pagbaha ang nasa evacuation center sa lungsod na madadagdagan pa sa nagpapatuloy na ipinatutupad na forced evacuation ngayong gabi.

Sa ngayon ay nasa 11.4 meters ang lebel ng tubig sa Buntun water gauging station na lagpas na sa 11 meters na critical level.