CAUAYAN CITY- Nakahanda ang Magat dam para sa bagyong Bising na nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility o PAR.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Engr. Carlo Ablan, Acting Division Chief ng Magat Dam Reservoir Division ng NIA-MARIIS na mula noong low pressure area pa lamang ang bagyo ay nakikipag-ugnayan na sila sa PAGASA.
Aniya, kahit sinasabi ng PAGASA na sa silangang baybayin ng Pilipinas ang maapektuhan ng bagyo ay naghahanda pa rin sila para sa ibubuhos na ulan ng bagyo.
Sa ngayon ay 190.79 ang water elevation ng dam at kung tatapat ang bagyo sa Luzon area ay nasa 190.00 meters na.
Umaasa naman sila na hindi na magbabago ang direksyon ng bagyo.
Ayon kay Engr. Ablan, tatlo hanggang apat na araw bago ang pagpapalabas nila ng tubig ay maglalabas na sila ng abiso para sa mga tao at 24 na oras naman kapag muling mag-aabiso sa mga LGUs.
Inisa-isa naman niya ang mga lugar na dadaanan ng tubig magat na kinabibilangan ng Aguinaldo, Ambatali, Oscariz-Ramon Area, San Mateo, Cabatuan, Aurora, Luna, ilang bahagi ng Naguilian at lalabas sa Gamu.
Pagdating naman sa Buntun Bridge sa lunsod ng Tuguegarao ay aabutin ng 22 oras hanggang 24 oras.